Nakapinid na pinto
Ang sugat
Kung saan tumatagos
Ang malamlam na apoy
Ng kaluluwa.

Bitbit nito
Ang isang mapusyaw
Na lampara
Sa mabagal na paglalakbay
Sa kaibuturan.

Sa bawat daraanan,
Nagnininging ang mga gunita—
Mga mumumnting alitaptap
Bumubuo ng konstelasyon
Sa malalim na kadiliman.

Kadalasan,
Kailangang patayin
Ang ilaw sa pagdating ng unos
Na hagip ang puso
Hanggang ulo.

Mga salita lamang
Ang makakatawid
Sa hagupit ng lagim
Na wawasakin
Ang loob.

Hindi dito magwawakas
Ang lahat:
Maaaring distrongkahin
Ang pinto

Upang makaalpas
Ang delubyo
At ang ipapalit muna
Sa liwanag ay dugo.

-Carlomar Arcangel Daoana